4 na Mahahalagang Tanong sa Sarili Bago Bumili ng mga Bagay, Ayon sa mga Eksperto

Ni: Dave Calpito

Photo by freestocks.org from Pexels


Ugali mo bang bumili ng mga bagay na hindi naman gaanong importante sa'yo? Kung oo, ang tawag diyan: paggagasta o pagwawaldas ng pera.

Pero, sabi nina Vic at Avelynn Garcia, mga financial management experts, sa kanilang librong "Kontento ka na ba sa kaPERAhan mo?" bago raw bumili ng kung anu-anong bagay, kailangan mo munang tanungin ang iyong sarili ng apat na mahahalagang tanong bago maglabas ng pera at bago tuluyang gumastos.

Naririto't basahin mo't pagnilayan ang mga tanong na ito:

Tanong #1: Gusto mo ba iyan? 


Karaniwang sagot marahil natin dito ay, "Oo. Hindi lang gusto, gustung-gusto!" Pero, sabi ng mga eksperto, hindi ito sapat para bilhin ang isang partikular na bagay. May tatlo ka pang kailangang itanong sa iyong sarili.

Tanong #2: Kailangan mo ba iyan? 


Damit? Oo naman, kailangang-kailangan nating lahat 'yan para mas magmukhang presentable sa ibang tao. Sapatos? Aba, siyempre, bakit hindi, kung mas magmumukha kang kagalang-galang at kung paraan mo naman ito para magmukhang mas propesyonal ang dating. Pero, wait, 'wag daw muna! Huwag ka munang maglabas ng iyong pera para bilhin ang napupusuan mo.

Tanong #3: Kaya mo ba iyan? 


Naku, ito na yung puntong mapapa-"Ah... Eh..." ka. Eh kung libo ang halaga ng isang damit lang o sapatos, magmu-move-on ka pa ba sa susunod na tanong? Eh malamang, kung branded 'yan, talagang aabutin ka ng libu-libong pera para mapasakamay mo ang mga ito. Pero teka, ano ang susunod na tanong?

Tanong #4: Kagustuhan ba ng Diyos? 


Kung para lang din naman sa luho mo, baka hindi. Aba'y kung ilalaan mo sa edukasyon ng anak mo yung perang ipambibili ng mamahaling damit o branded na sapatos na iyong gustong bilhin, baka hindi. Kung para lang magpasikat ka at matawag na "mayaman," "sossy," "yayamanin," o "big time," aba siyempre, baka hindi rin. At kung hindi ito kagustuhan ng Diyos, bibilhin mo pa ba? Baka mas maiging, huwag na lang.

Kaya, sa susunod na magsa-shopping ka, mangyaring tanungin ang iyong sarili ng mga nabanggit na apat na tanong.

Ano ulit ang mga ito? Gusto mo ba iyan? Kailangan mo ba 'yan? Kaya mo ba 'yan? Panghuli, kagustuhan ba ng panginoon 'yan?

Post a Comment

0 Comments
* Please Don't Spam Here. All the Comments are Reviewed by Admin.

Top Post Ad

Below Post Ad

In Ads Section