ni Dave Calpito
Mariing nanawagan ang Department of Education (DepEd) nitong linggo, Oktubre 4, na huwag sagutan ang modules ng mga mag-aaral. Sa halip, magsilbi lang umanong gabay sa mga ito sa pagkatuto sa mga aralin.
Ika ni Education Undersecretary Tonisito Umali sa isang online media forum na bagama't mahalaga ang bahaging gagampanan ng mga magulang sa panibagong setup ng pag-aaral sa "new normal," hindi ito nangangahulugang sila na ang gagawa sa mga aktibidad sa mga work sheets ng mga estudyante.
“Hindi po sila ang dapat sasagot ng pagsusulit o takdang aralin o gawaing pang-upuan ng mga bata. Klaro po 'yan,” sabi ni Umali.
Dagdag pa ni Umali na ang mahalaga ay masigurong natututo ang mga bata sa paraan ng paggabay ng mga magulang.
Ginanap ang nasabing forum isang araw bago magsimula ang klase ngayong taong panuruan.
Iba-ibang modalities ang gagamitin ngayon ng DepEd para ihatid sa mga mag-aaral ang mga aralin -- sa pamamagitan ng radyo, telebisyon, online classes, at siyempre pa, modules.
via: ABS-CBN News