Sa panahon ngayon, magandang ideya kung hindi lang nagsasalu-salo ang buong mag-anak sa hapag-kainan. Maigi rin kung hahaluan ang inyong lingguhang iskedyul ng ilang outdoor activities kung saan mag-eenjoy nang husto ang iyong buong pamilya.
Marami-raming mga pwedeng gawin na siguradong pupuno ng saya sa labas ng inyong tahanan. Naririto ang ilan sa mga pwede mong isama sa iyong listahan:
Maglaro ng Tennis o Badminton
Ang mga isports na ito ay hindi lang nae-enjoy ng mga bata, kundi pati na rin ang mga matatanda. Maaari kayong bumuo ng team at magsagawa ng maikling kumpetisyon. Hindi lang ito nakalilibang na gawain, nae-exercise pa ang iyong buong katawan pati na ang isipan.
Mag-frisbee
Hindi lang ito laro para sa mga tao. Maaari niyo ring isama rito ang inyong alagang aso. Magandang ehersisyo ang paghahagis at paghahabol ng Frisbee. Ang maganda pa nito, hindi ito nakakasawang laruin ng pamilya kahit pa sa matagal na oras.
Pasahan at Batuhang-Bola
Isa ring nakatutuwang gawain ang pasahan ng bola. Ito'y perpekto para sa mga may maliliit lamang na bilang ng mga miyembro ng pamilya.
Gayundin, isang magandang larong-Pinoy na maaaring ituro sa inyong mga anak ay ang batuhang-bola. Dito, bubuo ang pamilya ng dalawang pangkat. Layunin ng isang pangkat na ubusin ang kalabang grupo sa pamamagitan ng pagbato sa mga miyembro nito ng bola. Sinumang matamaan ng bola, siya ang magiging "out." Anumang pangkat ang may pinakamatagal na oras na naubos, siyang panalo. Ang maganda rito, hindi imposibleng makikitaan ng ngiti at tawa ang bawat miyembro.
Maglaro ng Baseball
Kung malaki-laki ang bilang ng mga miyembro ng pamilya, maiging hatiin ito sa dalawang pangkat at maglaro ng kinagigiliwang baseball. Hindi kailangang bola talaga ng baseball o 'di kaya bat na ginagamit talaga sa propesyunal na laro ang gamitin. Maging resourceful at makakalaro na ang buong pamilya ng larong ito. Ang simpleng kahoy at bolang ginagamit sa tennis ay pwede na. Araling mabuti ang mga tuntunin ng naturang laro.
Muli, ang layunin ng paglulunsad ng outdoor activities ay upang mapalalim pang lalo ang relasyon sa bawat miyembro ng isang pamilya. Hindi lang 'yan, nagsisilbi rin itong ehersisyo para sa lahat, hindi lang sa katawan kundi pati na sa mental na kalusugan. DAVE CALPITO