Malaking bagay 'pag ikaw ay educated...lalung-lalo na pagdating sa paghahawak ng pera.
Madalas, nagkakaroon ang ilan sa atin ng problema sa pera dahil, ang nangungunang rason, wala tayong kaalam-alam o sapat na edukasyon hinggil sa tama at hindi tamang paghahawak ng ating mga pera.
Kaya naman, mungkahi ng artikulong ito: Magbasa't mag-aral nang ikaw ay yumaman.
Magbasa ng mga Inspirational Books
Isang magandang babasahin ay ang mga libro na tumatalakay sa buhay, madalas "from rich to richest story," ng ilang mga personalidad. Mula sa bawat kuwentong ito, tiyak ay makakapulot ka ng inspirasyon o teknik para makawala sa hirap ng buhay na nararanasan mo ngayon. Ilista mo sa isang kuwaderno ang ilang mga maliliit na detalyeng natutunan mo at ugaliing balik-balikan ang mga ito nang sa gayon ay magsilbing gabay mo tungo sa iyong ikatatagumpay.
Magbasa ng Ilang mga Financial Literacy Books
Noon, ang madalas kong binibili sa bookstore ay mga nobela, ngayon mas madalas na akong bumibili ng mga librong tumatalakay kung papaano magkaroon ng financial freedom. At sa ilang buwang pagbabasa ng mga ito, masasabi kong malaking bagay ang naidulot ng mga ito, partikular na sa pagbabago ng aming pang-araw-araw na routine.
Tulad na lamang halimbawa, nang dahil sa isang librong nabasa ko, natuto kaming maglista ng mga expenses, gayundin ng aming income. Natuto rin kaming mag-assess kung paano pa paliliitin ang aming expenses nang sa gayon ay mas marami ang mapunta sa aming savings. Gayundin, naging bahagi na rin ng aming sistema sa tuwing lumalabas kami ng mall at napapadaan sa ilang mga nakakaengganyong bilhing mga items ang pagtatanong ng apat na mga tanong ni Vic Garcia.
At hindi lang ito base sa aking personal na karanasan. Sumasang-ayon din sa gawaing ito ang ilang mga financial experts.
Kung kaya, payo ko sa mga nagnanais magkaroon ng financial freedom: Matutong makinig sa mga eksperto. Matutong magbasa ng mga libro. DAVE CALPITO