Ni: Dave Calpito
Ikaw ba yung tipong kakasahod mo pa lang ay kung anu-ano nang iniisip mong bilhin? Bagong flat-screen TV, mamahaling gadget, branded na damit, at iba pa?Naku, kung ganyan ang prinisipyo mo sa buhay, baka ilang araw pa lang ang nakararaan ay butas na ang iyong bulsa.
Ika ng mga financial experts, kagaya nina Vic at Avelyn Garcia (mga awtor ng librong “Unleash Your Highest Potential”), kung gusto mong umasenso sa buhay, matuto ka sa prinsipyong ito: "Huwag kang dumakot, kumurot ka lang."
Anong ibig sabihin nito?
Kapag halimbawa natanggap mo na ang iyong sahod sa kinsenas, ibibili mo ba ito ng mamahaling TV? Hindi muna, maiging magtiis ka muna sa iyong lumang telebisyon, basta ang mahalaga, nakakapanood ka. Tiis-tiis din 'pag may time.
Isa pang halimbawa: Napadaan ka sa isang mall isang araw pag-uwi mo mula sa trabaho. Bigla kang nagutom. Eksaktong nasa tapat ka ng dalawang restawran: ang isa, mamahalin; yung isa naman, malayong mura kaysa sa isa (pero halos parehas lang din naman ang laman ng menu list nila). Saan ka pupunta? Siyempre, hindi na sa mamahalin. Doon na lang sa kayang-kaya ng iyong bulsa. Ang mahalaga, kumain ka-- nagkalaman ang iyong tiyan. Isa pa, hindi ka makokonsensyang gumastos nang malaki, sapagkat kumurot ka lang sa iyong bulsa.
Ang problema kasi sa karamihan sa atin, madalas ay mas pinipili nating bilhin ang isang bagay na mas mahal. Bakit? Karaniwang rason ay dahil mas sunod sa uso, para masabing "you belong" sa ibang taong nasa paligid mo, o 'di naman kaya'y para masabing ikaw ay may-kaya sa buhay.
Pero, kung gusto mo talagang maka-ipon at magkaroon ng maalwang buhay, matutong kumurot. Iwasang dumakot.
NAGUSTUHAN MO BA ANG ARTIKULONG ITO? I-SHARE NA ITO SA IYONG MGA MAHAL SA BUHAY. SALAMAT SA PAGBABASA!