Paano Magsulat ng Balita? Step-by-Step Tutorial sa Pagbuo ng Balita 2023

Ni: DAVE CALPITO

Gusto mo bang matutong magsulat ng balita? Marahil ay naghahanda ka ngayon sa kumpetisyon sa isang press conference na sasalihan mo, o 'di naman kaya ay magsasanay ka ng isang mag-aaral na sasali sa isang news writing competition.

Sa post na ito, tuturuan kita kung papaano nga ba ang pagsusulat ng balita, mula sa paggawa ng headline, pagbubuo ng lead paragraph, paglalagay ng quote, at marami pang iba.

Tara, simulan natin!

Paano magsulat ng balita 2023

Paano gumawa ng headline ng balita?

Madalas, ito ang sinusundan kong formula: Subject (sinusundan ng comma) + Action Verb + Saan / Ng Ano?

Kapag naisapuso mo itong formula na ito, magandang springboard mo ito para lalo pang matuto at masanay sa paggawa ng balita.

Halimbawa ng mga headline na umaayon sa formula na ito ay ang mga sumusunod:

Libreng concert, isinagawa sa Tuguegarao City

Eroplano, bumagsak sa baybayin ng Aparri

UP grad, nag-top sa NLE - UP grad (subject, sinusundan ng comma) + nag-top (verb) + sa NLE (saan)

Downstyle ang ginagamit sa pagbubuo ng headline at hindi nagsisimula sa malaking letra ang bawat salita sa headline, maliban na lang kung proper noun.

Sige nga, maglagay ka nga ng halimbawang headline mo sa ibaba gamit ang nasa itaas na formula.

INVERTED PYRAMID

Ang ibig sabihin nito, ang mahahalagang detalye ay nasa itaas na bahagi ng balita, at ang mga hindi gaanong importanteng detalye ay nakalagay lang sa ibabang bahagi -- ito yung mga pwedeng tapyasin ng editor kung sakaling kulang sa espasyo sa news page.

Paano gumawa ng lead paragraph?

Ang nasa itaas na bahagi ng balita ay ang lead paragraph, ito yung parang summary ng buong pangyayari, kung gayon, dito nakalagay ang pinakamahahalagang detalye ng balita.

Halimbawa, naririto ang sinasabing 5Ws at 1H (Who, What, When, Where, Why, at How).

Isang mahalagang tip: Kung hindi magkasya ang mga detalye (ang lahat ng Ws at H) sa unang paragraph ng iyong lead, huwag isiksik rito. Pwede namang ilagay mo ang ilang mga mahahalagang detalye sa ikalawang paragraph, para hindi ma-compromise ang ganda ng istruktura ng iyong balita. Kapag sa tingin mo ay "awkward" na ang flow ng iyong lead paragraph, at nakakahingal nang basahin, ilagay mo na ang ilang detalye sa susunod na paragraph. Sana malinaw ito. 

Isa pang bonus na tip: Kung hindi naman sikat ang subject ng iyong balita, huwag mo munang ilagay ang pangalan sa headline, pati na sa lead paragraph, at i-reveal na lang sa ikalawang paragraph ang pagkakakilanlan nito.

Simpleng halimbawa:

Isang gradweyt ng Cagayan National High School ang nag-top sa idinaos na March 2023 Licensure Examination for Teachers.

Si Juan A. Dela Cruz, 21, ay tubong...

Pero, kapag sikat na tao, sa headline at lead paragraph pa lang, inilalagay na ang pangalan. Kapag sa school publication naman, ang halimbawang mga sikat na tao ay ang principal, SSG President, at iba pa.

Naririto ang kumpletong tutorial sa paggawa ng lead ng balita at iba-ibang mga uri nito. Panoorin:

One Sentence, One Paragraph

Kadalasan din, ang ginagawa ko kapag nagsusulat ako ng balita ay isang sentence lang sa isang paragraph lang. Bakit? Kasi, hindi ito nakapapagod basahin. Hindi ka hihingaling basahin ang balita, at hindi tatamarin, halimbawa, ang judge na magbasa ng iyong ginawang balita. Resulta nito, hindi sayang ang iyong ginawa. May tiyansa ka pang makakuha ng medalya sa kumpetisyon.

Ang balita, may quotes

Dapat pagsalitain mo ang mga taong "involved" sa iyong balita, halimbawa ang iyong subject. Kadalasan, isinisingit ko ito sa artikulo, para bang nagsisilbing patalastas sa loob ng news report mo. Ito rin ay para mas maging totoo ang iyong balita at hindi nagmumukhang gawa-gawa lang, dahil nagsasalita ang iyong subject.

Kadalasang mga ginagamit kong variations sa Filipino ay ang mga sumusunod: "sabi ni; ika ni; ani; aniya; ika niya."

Halimbawa:

"Masaya ako na nagbigay ako ng pride sa aking school," sabi ni dela Cruz sa isang panayam.

"Sigurado ako, tuwang-tuwa ang mga magulang ko," dagdag pa niya.

Pansinin na nasa loob ng quotation ang comma, hindi sa labas. Dahil ito ang tama. Okay?

Maganda ring i-emphasize na boring ang news article kapag walang quote. Pero, make sure, be truthful sa mga quotes na nilalagay mo, hindi lang yung basta naglalagay na lang ng quote na hindi naman talaga sinabi ng subject para lang may mailagay ka. Hindi ito naaayon sa tamang pagbabalita kung ganoon.

Rule sa paglalagay ng pangalan

Siya nga pala, kapag na-establish mo na ang buong pangalan ng subject sa itaas na bahagi ng balita, huwag mo nang ulitin sa ibaba. Maaari mo na lang gamitin ang last name (kung walang kapangalan) at pronoun (ika niya, dagdag pa niya, at marami pang iba).

Simpleng mga salita

Tandaan na mas conversational, mas simpleng mga salita ang ginagamit sa balita, mas malinaw na naihahatid ang impormasyon sa nagbabasa. Mas babasahin din ito ng mga mambabasa, dahil mas nakaka-relate sila sa artikulo mo.

Tandaan na hindi naman ito lathalain o literary piece na pwede kang maglagay ng mga metaphor o 'di kaya gumamit ng flowery language. Mas simple, mas swabe kapag sa pagsusulat ng balita.

Exception lang, kung ito ay isang sports news article, dito, talagang mas maigi naman na maaaksiyon ang mga ginagamit mong salita, pero naiintindihan pa rin dapat ng iyong reader.

Walang conclusion o concluding paragraph

Hindi parang sanaysay ang balita na nilalagyan ng conclusion. Kung saan ka magtatapos, kung naibahagi mo na ang "least important details" ng iyong balita sa parteng ibaba, hanggang dun ka lang. Kapag nag-editorialize ka pa o nagbahagi ka ng iyong komento sa ibaba, malaking kabawasan ito sa iyong puntos kapag nasa kumpetisyon ka, o baka nga walang chance na makakuha ka ng pwesto.

Kumbaga, nababalewala nito ang kabuuang ganda ng iyong balita, kahit pa sumunod ka sa ibang mga tuntunin sa pagsusulat nito.

Gandahan ang sulat, tama ang gramatika

Kadalasan din, malaking "ganda / pogi points" sa isang news article, lalo na kapag kumpetisyon, kapag tama na ang grammar mo, maganda pa ang sulat. Kaya gandahan mo ang iyong sulat, mas malinaw, mas may chance. 

Ugaliin ding basahin nang paulit-ulit ang iyong balita nang medyo malakas (pero, make sure, hindi naririnig ng iyong kakumpetisyon). Epektib ito para makita mo ang mga mali. Rule: kapag may mali sa pandinig, ibig sabihin, may mali sa buong sentence.

Samantala / Sa iba pang balita

Kadalasan, ito yung senyales na nasa ibabang bahagi ka na ng inverted pyramid mo -- ibig sabihin, naririto na yung mga least important details. Dito, pwedeng ilagay ang related na mga balita. Huwag lang maglagay rito ng wala namang koneksyon sa subject mo.

Halimbawa, dito mo ilagay na noong nakaraang taon, kampeon din si Juan dela Cruz sa region-wide debate competition.

Sa pamamagitan ng mga tips sa itaas, siguradong mas madali na lang sa iyo ngayon ang pagsusulat ng balita -- sa kumpetisyon man, sa school publication, o sa paggawa mo ng iyong sariling blogsite o channel na ang niche ay pagbabalita. Good luck sa iyo!

Nagustuhan mo ba ang ating tutorial kung paano magsulat ng balita? Nawa ay nakatulong ito sa iyo. I-share mo ito sa taong kilala mong gustong matutong gumawa ng balita o nagsasanay para sa susunod na kumpetisyon sa paggawa ng balita.

Post a Comment

0 Comments
* Please Don't Spam Here. All the Comments are Reviewed by Admin.

Top Post Ad

Below Post Ad

In Ads Section